Lunes, Setyembre 19, 2011

hanguin mo ako sa hukay! part 6



“ Rogelio naman. Ano ba ang pumasok sa kokote mo at sumugod ka pa doon?” galit na alala ni nanay sa asawa habang pinupunasan nang alcohol ang sugat nito. Nanood lang naman ako at hiyang hiya sa nangyare habang nakaupo sa silya katapat nila. Pinapanood lang din ni Jeff ang mga magulang at natatawa sa itsura nang ama sa maya’t mayang paginda nito sa bawat dampi nang bulak na may alcohol sa pasa nito sa pisngi at sa kaliwang mata. Lumapit sa tabi ko si Jeff bitbit ang silya at ginaya ako sa pagkakaupo na nakatalikod ang upuan at nakapatong ang parehong kamay sa pinakasandalan nito. Pangiti ngiti at parang saying saya sa pinapanood. “ sa susunod na magbalak ka sumugod, siguraduhin mong di ka nakainom para di ka agrabyado.” ang gatong pa nito. 

“ aba Herminda, sa palagay mo kaya kong gawin yun nang nasa katinuan?” sagot nito. “ hayaan mo, sa susunod sisiguraduhin kong nakapagensayo ako nang kung fu style ko para matikman niya ang hindi pa niya nakikita sa akin. Ha... Lintik lang ang walang ganti! Ha...” ang mayabang nitong sabi. Natatawa na din ako sa inaasta nito. Iba talaga pag nalalasing si tatay. Imbes na matakot ka ay kabaliktaran nito ang mararamdaman mo. Masisiyahan ka pa lalo kapag kasama siya. Napangiwi na lang ako.

“ oh Jeff anak, kunin mo na ang icebag sa ref at maitapal na sa pagmumukha nang tatay mo para manahimik na ito.” Ang birong sabi ni nanay. Kunware galit ito. Sanay na din itong sakyan ang kabiyak. Nakakatuwa sila. nakakaingit.  Kilalang klala na nila ang ugali nang bawat isa. Alam na kung kelan mananahimik at kelan magbibiro. Kung kelan magseseryoso. Para naming kinurot ang puso ko. sana mahanap ko na ang magiging kagaya ni nanay sa buhay ko ang nasabi ko na lang sa isip isip ko.  mabilis namang tumayo si jeff at maya maya pay nakabalik na ito dala ang icebag. Parang wala lang sa kanya ang nangyare. Iniabot nito ang icebag sa nanay.

“ oh, bakit kayo nanonod lang diyan? “ baling sa amin ni nanay. “ kumain na kayo sa kusina at alam kong di ka pa nagtatanghalian emman at ikaw Jeff ituloy mo na din ang pagkain mo.” Utos nito sa amin.

Doon ko lang napansin na hindi pa pala ako nangtatanghalian at nalipasan na nang gutom sa mga nangyayare. Buti na lang at nakakain ako nang meryenda kaninang naguusap kami ni Jenny.

“tatay, pasensiya na po sa nangyare. Huwag po sana kayo magagalit kay papa. Pagpasensiyahan niyo na po siya.” Ang paumanhin ko bago tumayo.

“ naku anak, wala iyon sa akin. Kilala mo ako pero uulitin ko iyon kapag inapi ka ulit nang bundat mong tatay.” Ang dire diretso nitong sabi.

“hoy, mahiya ka sa binibitiwan mong salita. Mamaya makarating sa tatay niyan ang pinagsasabi mo lumaki lalo ang gulo.” Ang hampas nito sa braso nang asawa. Natawa din ako sa tinuran nito.

“ aba Herminda, kahit hindi ko sabihin yun ang totoo at nakikita nang lahat.” Ang walang takot nitong sabi at ihiniga na ang katawan sa sofa. Ipinatong nito ang ulo sa kandungan nang asawa.

“kahit na!” ang galit na sagot ni nanay. “ iyan ag masama sayong matandang hukluban ka eh. Mapanlait ka masyado kapag nalalasing ka.” Dugtong nito.

Natatawa na lang kami pareho ni Jeff sa naririnig habang nagaayos nang makakain.

“ pasensiya na sa nangyare Jeff ha.” Paghingi ko nang paumanhin habang kumakain.

“ ano ka ba. Para kang iba. Batukan kita diyan eh.” Saad naman nito.

“paano yan, baka di na ako makakauwi lalo sa bahay.” Nasabi ko na lang.

“natawagan ko na si Jenny. sinabi kong siya makipagusap kay papa.

“ ha? Ano naman yang ginawa mo? Nagdamay ka pa.” Ang gulat kong sagot.

“ ano ka ba. Siya na lang ang makakapagpaliwanag ang lahat para matanggap ka pa nila. Siya na ang magsasabi na hindi na magiging kayo kahit kailan dahil may anak na ito at hindi ikaw ang ama at tapos na ang lahat nang sa inyo. Isa pa nakapagayos naman na kayo kaya ok lang yun sa kanya sigurado ako. At hindi siya pwedeng humindi dahil alam niyang siya ang dahilan.” Ang paliwanag nito.

“ eee.... ano ba iyan. Nakakahiya sa tao. Bakit di mo sinabi sa akin?”  ang pagmamaktol ko.

“batukan kita diyan eh. Ikaw na nga ang tinutulungan ikaw pa magiinarte diyan. Wala ka na magagawa dahil parating na si Jenny.” sabay tawa nito.

Hindi nga siya nagkamali dahil pagkatapos naming kumain ay saktong dumating naman si Jenny. dala ang anak nito. Masayang sinalubong ni Jeff ang bata at tuluyan nang iniwan ni Jeff ang mga hinuhugasan. Hindi naman ako nakapagsalita sa hiya sa kanya.

“ hoy tol. Tapusin mo na iyang paghuhugas at makikipaglaro ako sa inaanak ko.” ang mabilis nitong sabi at dire diretso na sa sala.

“magandang hapon po.” Bati ni Jenny sa magasawa na noo’y naghaharutan na sa sofa. Nagulat naman ang magasawa at hinarap ang bagong dating na bisita.

“ aba, sino ang batang are?” ang gulat na tanong ni tatay.

“ anak ko po tatay.” Sagot naman ni Jenny.

“ aba, hindi pa nailalabas ang magiging apo namin ky Roan  eh may makakalaro na palang naghihintay sa kanya.” Ang masaya nitong sabi at sabay buhat sa bata.

Nagulat naman si Bryan sa biglang pagkarga sa kanya nang matanda at umiyak na ito.mabilis na ibinaba nito ang bata at ibinalik kay Jeff.

“hayan, lasing ka kase kaya ayaw sayo ng bata.” Paninisi ni nanay. Nagtawanan na lang ang lahat.

“ aba malay ko ba na ayaw nito sa matanda.” Pagtatangol nito sa sarili. “ oh siya doon muna ako sa kuwarto at magpapahinga.” Sabay alis pagkatapos haplusin ang ulo nang bata. Hinila na nito ang asawa.

“tahan na. Ok na Bryan, wala na si lolo.” Yakap naman nito sa bata. “ umalis na ang bakulaw.”  Biro nito.

“ Jeff!!! Hindi pa ako mukhang bakulaw jaske kang bata ka.” Sigaw nito mula sa kwarto. Naririnig pala nito ang sinasabi ni Jeff. Tawanan kaming lahat.

Tumabi na ako sa kanila sa sofa pagkatapos kong maghugas nang pinggan.

“ oh, bakit ka napadaan dito.” Kunware kong pagtatanong sa kanya. Nahihiya akong buksa sa kanya ang problema.

“magpapasama sana ako sayo sa mga magulang mo. Hindi ko kayang magpaliwanag sa kanila nang ako lang. Natatakot ako. Mabuti nang nandoon ka. Para  may malapitan ako at nagpapalakas sa akin nang loob. Hindi ko maiwan si Bryan sa lola niya. Natatakot pa din ito sa nangyare kaninang umaga. Minabuti ko na din dalhin siya para  kahit papno maintindihan nila at at pruweba ako sa mga bibitiwan kong paliwanag sa kanila.” pahayag nito.

Tumango lang ako sa pagsangayon sa mga sinabi niya.

Wala pang isang oras nang makarating kami sa aming bahay. Maayos kaming pinatuloy ni mama at naghihintay na  sila pareho sa sala. Nakaupo sa sofa. Nasa hitsura pa din ni papa ang galit lalo nang makita niya si Jenny. nagulat din sa buhat buhat na bata  ni Jeff. Umupo kami sa sofa.

“Siya po ba si lolo? Ang papa ni ninong Emman?” ang turo ni Bryan kay papa. Napatingin kaming lahat sa bata. Mabilis namang inabot ni Jeff ang nakaturong kamay ni Bryan at itinago ito sabay takip sa bibig at binulungan na huwag maingay. Tumalima naman ang bata. Nagumpisa nang ipaliwanag ang lahat ni Jenny ang tungkol kay Bryan. Kung saan nito nakuha, kung ano ang totoong nangyare sa kanya, kung paano siya nabuntis at ang dahilan niya kaya siya hindi nagpakita sa araw nang kasal at tuluyang nawala. Maluha luhang ikwinento nito ang buong katotohanan. Nahabag naman ang mga magulang ko sa katotohanang narinig at tuluyan na itong lumambot ang puso para kay Jenny. nagpaliwanag na din ako kung bakit sa kabila nang pagiwan sa akin ay pilit ko pa ding hinahanap si jenny dahil sa pagaalala ko sa kanya at sa dinadala niya. Na hindi ko nagawang ipagtapat sa kanila ang katotohanang buntis siya sa panahong iyon dahil na din sa balak naming itago ang lahat nang katotohanan at akuin ang responsibilidad sa bata at nabago lang ang lahat nang umalis si Jenny. wala nang ginawa ang mga magulang ko kundi ang tanggapin si Jenny katulad nang maluwag pagtanggap nila dito noong una. Ang kaibahan nga lang, hindi na katulad nang dati na magiging asawa ko kundi isang anak na lang na kaibigan ko. nagpaalam na agad ang maginang Jenny at Bryan pagkatapos maghapunan sa bahay sa pamimilit na din ni mama. Kailangan na daw nila magpahinga nang maaga dahil maaga silang luluwas pa maynila bukas para sunduin ang kapatid nitong si Jacob sa isang Rehabilitation Center. Naiwan naman kaming dalawa ni Jeff at pinilit na doon na matulog sa bahay.  Pumasok na kami sa kwarto at doon nagpalipas nang oras habang umiinom nang beer at nagpapatugtog nang classic love song. Parehong nakahilata sa kama.

“ sana tol ganito lang kadali lagi lusutan ang problema ano?” saad niya habang nakatitig sa kisame.

Hindi ako nakaimik. Tama siya. Sa buong araw na ito, ang daming nangyare. Ang pagbablik ni jenny, ang pagkaatake ni Mr Costales, ang pagkakaayos namin ni Jenny,  ang pagpapalayas ni papa sa akin at pagsasapaka nila tatay at papa dahil na din sa akin, ang pagpapaliwanag ni Jenny na siyang pagtanggap uli saakin nina papa sa bahay na ito. Natapos ang lahat nang maayos at walang naiwang problema.

“Sana sa mga susunod pa na problema ganun din kadali ang lahat.” Pagpapatuloy nito. Tahimik lang ako.

“hayaan mo tol, ipapangako ko. ano man ang magyare, sabay nating lulutasin ang lahat nang problemang darating.” Ang maikli kong sagot. “ nahihiya nga ako sayo kase puro sa akin ang problemang nangyare sa araw na ito. Nadamay pa si tatay. Pasensiya na ha.” Paghingi ko nang paumanhin ko.

“ano ka ba. Problema mo ay problema ko na rin. Tayo lang naman lagi ang nagtutulungan noon pa hindi ba. Ngayon ka pa nahiya tarantado ka.” Pagbibiro nito sabay takip ang isa nang kamay sa mukha ko. napahalakhak kami pareho.

“ pero seryoso tol, alam mo, mas nakakaya ko kapag kasama kita at nasa tabi ko lagi. Madali nalulutas ang problema kapag nandiyan ka.” Pagamin ko. “ hindi mo ba napapansin?”

“ palagay ko nga! Paano eh ako lang naman nagiisip sa atin nang matino dito.” Pangaalaska niya.

“ aba ang kapal nang apog mo tol,  matino ba ang matatawag mo yang pagbubuntis mo kay Roan nang wala sa oras ha?” ang bawi ko naman.

Natigilan siya. Hindi siya nakapagsalita.

“oh, andiyan ka na naman. Ang dali lang nang problema mo pinapahirapan mo sarili mo eh. Sinabi ko na sayong pakasalan mo na agad at iuwi kahit tutol ang tatay niya. Nasa tamang edad na kayo ano ka ba.” Biro ko. alam ko hindi niya gagawin ang payo ko. kilala ko siya. Hindi siya gagawa nang isang bagay na ikakasira niya.  Alam kong susuyuin niya ang papa ni Roan para makuha niya nang maayos ito sa poder nang mga magulang nito. Ngunit paano kung sa sobrang higpit nito ay hindi niya mapalambot ang matigas na puso nang matanda. Magtagumpay kaya siya? Tanong ko sa isip ko.

“ basta tol nandito lang ako ha. Hindi kita iiwan. Huwag mo din ako iiwan ha. Sumpaang walang iwan.” Itinaas ko ang kanang kamay kong may tanda nang sumpaan namin. Itinaas din niya ito. Tinignan naming pareho ang mga peklat na matagal nang nakamarka sa aming mga kanang palad. Pinagtapat ang mga ito at naghawak kamay habang nakataas  pa din sa ere.  Sinsariwa ang mga sumpaang kahit kalian ay mananatiling tapat sa isat isa.

At ilang sandali pay tuluyan na kaming nakatulog.

Itutuloy.

1 komento:

  1. sorry,antok na antok na ako. di na ako makapagisip. bukas na ulit next part jhay. di ko na kaya. salamat sa pangbobola. nakakatulong naman nang sobra kaya carry na yun. hehe. naku 3am na pala. kaay pala.

    TumugonBurahin